Skip to main content

Mahal naming Panginoon, Patuloy po kaming humihingi ng lakas, tibay ng loob, malinaw na kaisipan, at patuloy na gabay ninyo

Mahal naming Panginoon, Patuloy po kaming humihingi ng lakas, tibay ng loob, malinaw na kaisipan, at patuloy na gabay ninyo. Sa kabila po ng lahat ng pagsubok, Panginoon, kami po ay nagpapasalamat sa inyo sapagkat patuloy po ang inyong pag-alalay at pagmamahal sa aming sektor.

Alam naming hindi po namin ito malalampasan nang wala ang inyong tulong, kaya kami po ay patuloy na nananalig na bigyan niyo kami ng katatagan ng loob para malampasan ang lahat.

Sa mga nagdaang linggo, hindi po naging madali ang lahat sapagkat ang mga hamon ay patuloy na dumarating at patuloy na dumarami. Inaangat po namin lahat sa inyo, sapagkat alam naming Kayo lamang ang may kapangyarihang mailagay sa kaayusan ang lahat ng bagay. Pangako po naming hindi kami aalis sa tamang landas, at patuloy naming ipaglalaban ang tama.

Habang kasama po kami sa paggunita ng Araw ng Mga Ama, hiling din po sana namin na lalo po Ninyong gabayan ang mga tumatayong lider ng aming bansa upang maisaayos at mailagay sa tama at mabuti ang lahat ng hakbang at mga desisyong makakaapekto sa lahat ng mamamayang Pilipino. Hiling namin na sana ay makita ng mga lider ng bansa ang totoong diwa ng kanilang tungkulin sa bayan, at gamitin sana ang pagkakataong ito upang maging instrumento sila ng kabutihan at pagasa para sa iba. Ilihis niyo po ang aming bansa sa kahit na anong makakasama sa mamamayang Pilipino.

Bigyang gabay din po sana ninyo ang lahat ng lider at manggagawa ng sektor ng Rural Electrification upang maging malakas, matatag, at mapagmahal sa tungkulin. Patuloy niyo po sanang gabayan ang lahat ng electric cooperatives na walang ibang hangad upang magbigay ng serbisyong dekalidad para sa mga member-consumer-owners. Patatagin at gabay niyo po lalo ang BENECO at mga electric cooperatives sa Negros Island upang malampasan nila ang bawat pagsubok na kanilang pinagdadaanan.

Ang mga kasamahan namin sa NORDECO ay kasalukuyang nakararanas ng panggigipit mula sa mga dambuhalang korporasyon at maiimpluwensiyang tao sa lipunan na nagnanais kunin at sakupin ang pamamahala sa nasabing kooperatiba para sa mga makasariling layunin, pansariling kitang-pinansyal, at mga layuning hindi makabubuti sa aming mga member-consumer-owners. Bigyan mo po ng kalinawan sa pag-iisip ang mga kontra-kooperatibang grupo na ito, kasama na ang mga member-consumer-owners na pilit nilang pinapaniwala sa mga maling impormasyon.
Sa tulong ninyo, naway humina po ang mga pwersang hindi magreresulta sa kasaganaan at kaayusan ng mga MCOs at ng bayan.

Sa lahat ng ito Panginoon, patuloy naming itinataas sa inyo ang lahat na aming takot at pangamba. Patuloy niyo po kaming gawing instrumento ng inyong kabutihan.

Amen.

#ECBlackFridayProtest

#HandsOffOurECsNoToTakeOver

#ECIndependenceWeWillNotBeSilenced

#UnitedWeStandWeStandUnitedforBENECO

#UnitedWeStandWeStandUnitedforNORDECO

#UnitedWeStandWeStandUnitedforAllECsInNegrosIsland



Official Website of Isabela II Electric Cooperative
error: Content is protected !!