IECCampaign
Hindi tulad ng mga tipikal na organisasyon, ang electric cooperatives tulad ng ISELCO II ay may natatanging porma ng pamamahala. Ang mga Member-Consumer-Owners (MCOs) ang siyang tunay na nagmamay-ari ng Kooperatiba, kaya’t sila ang itinuturing na pinakamahalagang bahagi nito. Bilang pagkilala sa kanilang karapatan, patuloy ang ISELCO II sa pagsusumikap na magpalaganap ng impormasyon upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman at aktibong partisipasyon sa mga usaping may kinalaman sa kooperatiba.
Isa sa mga pangunahing layunin ng Kooperatiba ay palawakin ang kaalaman ng mga miyembro tungkol sa iba’t ibang isyung pangkuryente. Sa ganitong paraan, nabibigyang-linaw ang mga isyu at nababawasan ang mga maling akala o misconceptions na maaaring makaapekto sa tiwala ng mga MCOs sa Kooperatiba.
Bilang bahagi ng Information, Education, and Communications (IEC) campaign, patuloy ang ISELCO II sa pagsasagawa ng iba’t ibang mga aktibidad upang matiyak na ang mga konsyumer ay well-informed at well-educated. Kabilang sa mga pangunahing paksang tinatalakay sa mga IEC forums ay ang mga sumusunod:
RA 7832 – Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act
RA 11361 – Anti-Obstruction of Power Lines Act
RA 9994 – The Expanded Senior Citizens Act
RA 11552 – Lifeline Rate Extension Act Magna Carta for Residential Electricity Consumers
Types and Causes of Power Outages
Other Energy-related Matters
Ang bawat IEC forum ay hindi lamang nakatuon sa pagbabahagi ng impormasyon kundi nagsisilbi ring plataporma para sa bukas na talakayan, kung saan malayang naipapahayag ng mga MCOs ang kanilang mga katanungan, opinyon, at saloobin ukol sa mga serbisyo at polisiya ng Kooperatiba.
Upang maabot ang mas maraming miyembro ng komunidad, isinasagawa ang mga IEC activities sa iba’t ibang sektor at lugar gaya ng mga sumusunod:
School Symposia – para sa kabataang mag-aaral
Barangay Assemblies – para sa mas malawak na partisipasyon ng mga residente
Senior Citizens Meetings – para sa mga nakatatanda
Sangguniang Bayan Sessions – para sa mga lokal na opisyal
Liga ng mga Barangay Meetings – upang maiparating ang mensahe sa lahat ng barangay
Bilang karagdagang inisyatibo, inilunsad din ng Kooperatiba ang programang “ISELCO II Wheels on the Go”, na may layuning ilapit hindi lamang ang IEC campaign kundi pati na rin ang iba’t ibang serbisyo ng Kooperatiba sa mismong komunidad ng mga MCOs. Kabilang sa mga serbisyong iniaalok sa programang ito ay ang:
Pag-aaplay para sa bagong koneksyon ng kuryente
Pagpapapalit o updating ng account name at impormasyon
Pag-aaplay para sa Lifeline Rate Subsidy
Pag-aaplay para sa Senior Citizens’ Discount
Pagbeberipika ng Capital Share
Pagresolba sa iba pang serbisyo at alalahanin ng mga miyembro
Sa pamamagitan ng mga programang ito, layunin ng ISELCO II na mapalapit sa mga miyembro, mas lalo pang pagtibayin ang tiwala ng mga MCOs, at matiyak na lahat ay may pantay na access sa impormasyon at serbisyo.
Patuloy ang Kooperatiba sa pagsasagawa ng mga ganitong aktibidad bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa transparency, edukasyon, at partisipasyon ng mga MCOs, na nagpapatunay na ang tunay na lakas ng Kooperatiba ay nasa mga miyembro nito. Kasama rin sa pagsasagawa ng mga aktibidades na ito si Engr. Erni G. Baggao at mga Board of Directors na bumibisita sa iba’t ibang mga lugar sa nasasakupan ng ISELCO II. Narito ang mga IEC activities ng Kooperatiba sa mga nakalipas na buwan at nagpapatuloy pa sa kasalukuyan.
CLICK HERE:https://www.facebook.com/share/p/19iLp7NTNB/



