
A Lineman’s Call
Mahirap bang maging lineman? Tanong ng mangilan-ilan lamang na may kamalayan sa trabaho ng isang lineman. Oo, wika ko’y mangilan-ilan sapagkat ito ay isang masaklap na katotohanan na bihira lamang sa mga ordinaryong tao ang nagpapahalaga at nakakakita sa sakripisyong ginagawa ng mga lineman.
Sino ba sila at ano ang kanilang tungkulin sa mga Electric Cooperatives?
Ang mga lineman ay silang nag-iinstall, nagme-maintain, at nagkukumpuni ng mga poste at linya ng kuryente patungo sa mga gusali, lalo na sa ating mga kabahayan. Bago maging isang ganap na lineman ay kailangan munang magdaan sa matinding pagsasanay upang masuri ang kanilang kakayahan at dedikasyon sa trabahong ito.
Ang pagiging lineman ay may mas malalim pang kahulugan dahil ang kanilang ginagampanan sa trabaho ay hindi lamang pagpapakita ng galing at kakayahan kundi higit pa rito.. Dahil kalakip nito ay ang buwis-buhay na responsibilidad. Isa sila sa mga may pinakamahirap at pinakamapanganib na trabaho sa industriya ng kuryente.
Sa bawat araw na sila ay papasok upang gampanan ang kanilang trabaho ay hindi maiwasang sumagi sa kanilang isipan ang panganib na maaaring idulot sa kanila nito. Kung kaya’t gayon na lamang din ang kaba, takot, at pangamba na nararamdaman ng kanilang pamilya sa tuwing sila ay lilisan ng tahanan upang gampanan ang kanilang pagiging lineman.
Sa mga oras na masaya nating kapiling ang ating pamilya sa loob ng ating tahanan at serbisyo ng kuryente ay ating pinapakinabangan ay mga sandal ring sila ay nawawalay sa kanilang pamilya.
Sa anumang oras at panahon, anumang tindi ng sikat ng araw at lakas ng buhos ng ulan, anumang sandali na tayo ay makararanas ng kawalan ng suplay ng kuryente, sila ay tunay na maaasahan sapagkat iniisip nila ang ating kapakanan.
Kaya ang araw na ito ay nais naming ialay sa inyo upang alalahanin ang bawat sakripisyo at paghihirap ninyo. Nais naming malaman ninyo na may mga taong kinikilala at pinapahalagahan ang bawat gawain ninyo. Kayo ay mga tunay na bayani na naghahatid ng ginhawa sa loob ng aming tahanan.
Kaya sa mga sandaling ito, kung ikaw ay nananatiling isang lineman, saludo kami sayo! Bilib kami sa tapang niyo!
ISELCO II Linemen Appreciation Day, August 03, 2020.